1 “Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang aking mga mamamayan, ang Israel na itinuturing kong tahanan, na lulusubin sila ng kalaban na kasimbilis ng agila. Sapagkat sinira nila ang kasunduan ko sa kanila at nilabag nila ang aking Kautusan.
2 Nagsusumamo sila sa akin, ‘Dios ng Israel, kinikilala ka namin.’
3 Pero itinakwil nila ang mabuti, kaya hahabulin sila ng kanilang kalaban.
4 Pumili sila ng mga hari at mga opisyal na hindi ko pinili. Gumawa sila ng mga dios-diosan mula sa kanilang mga pilak at ginto, at ang mga ito ang nagdala sa kanila sa kapahamakan.
5 Itinatakwil ko ang dios-diosang baka ng mga taga-Samaria. Galit na galit ako sa kanila. Hanggang kailan sila mananatiling marumi?
6 Ang dios-diosang baka ng Samaria ay ginawa lamang ng mga platero na taga-Israel. Hindi iyon Dios! Tiyak na dudurugin iyon.
7 “Para silang naghahasik ng hangin at nag-aani ng buhawi. Para ring trigo na walang uhay, kaya walang makukuhang pagkain. At kung mamumunga man, taga-ibang bansa naman ang lalamon nito.