13 nakasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazias ng Juda. Sila'y tinanong niya, “Sino kayo?”“Mga kamag-anak po ni Haring Ahazias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,” sagot nila.
14 Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may hukay, malapit sa Silungan; wala siyang ipinatirang buháy. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa.
15 Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Binati siya ni Jehu at tinanong, “Ikaw ba'y buong pusong nakikiisa sa akin?”“Oo,” sagot nito.“Kung ganoon,” sabi ni Jehu, “sumakay ka sa aking karwahe.” At inalalayan niya ito sa pagsakay.
16 Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe.
17 Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias.
18 Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran.
19 Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal.