1 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda.
2 Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David,
3 sa halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita.
4 Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.
5 Ang Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi.
6 Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom; naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon.
7 Samantala, si Ahaz ay nagpadala ng sugo kay Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, “Ako ay tapat mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.”
8 Tinipon ni Ahaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria.
9 Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Ahaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang-bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Rezin.
10 Nang magpunta sa Damasco si Ahaz para makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala sa paring si Urias.
11 Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari.
12 Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang
13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan.
14 At ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar.
15 Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.”
16 Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias.
17 Sinira ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato.
18 Ipinaalis din niya ang trono ng hari sa bulwagan ng Templo at ipinasara ang daanan ng hari papunta sa Templo ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria.
19 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
20 Namatay siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya bilang hari.