1 Ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng matatandang pinuno ng Juda at Jerusalem,
2 at sila'y pumunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga pari, mga propeta at ang lahat ng taga-Jerusalem at Juda, mayaman at dukha. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat ng kasunduan na natagpuan sa Templo.
3 Pagkabasa, tumayo sa tabi ng haligi ang hari at nanumpang susunod sa kautusan ni Yahweh, at sa lahat ng tuntunin nito. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa panunumpa nito sa kasunduang ginawa ni Yahweh.
4 Ang lahat ng kagamitan sa loob ng Templo na may kaugnayan kay Baal, kay Ashera at sa mga bituin ay ipinalabas ng hari kay Hilkias, ang pinakapunong pari, gayundin sa mga katulong na pari at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron, at dinala sa Bethel ang abo.
5 Pinaalis niya ang mga paring itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan sa Juda at sa palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga paring nagsusunog ng insenso para kay Baal, para sa araw, buwan at mga bituin sa langit.
6 Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao.
7 Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera.
8 Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod.
9 Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa.
10 Ipinagiba rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec.
11 Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw.
12 Ang mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato.
13 Ipinagiba rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita.
14 Ipinagiba rin niya ang mga rebultong bato at mga sagradong haligi, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao.
15 Ipinagiba rin niya ang dambana sa Bethel na ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na nanguna sa Israel upang magkasala. Ipinadurog din niya ang mga bato at ipinasunog ang rebulto ni Ashera.
16 Nang makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta.
17 Nang makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?”“Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon.
18 Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria.
19 Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel.
20 Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.
21 Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.”
22 Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa.
23 Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh.
24 Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo.
25 Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Pinaglingkuran niya si Yahweh nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas at sumunod sa buong Kautusan ni Moises.
26 Ngunit hindi pa rin napawi ang matinding galit ni Yahweh sa Juda dahil sa mga kasamaang ginawa ni Manases.
27 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Ganoon din ang gagawin ko sa Lunsod ng Jerusalem na aking pinili, pati sa Templong sinabi ko na doo'y sasambahin ang aking pangalan.”
28 Ang iba pang ginawa ni Josias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
29 Nang panahong iyon, ang bahagi ng Asiria sa gawing Ilog Eufrates ay sinalakay ni Neco na Faraon ng Egipto. Sumaklolo si Haring Josias sa hari ng Asiria, ngunit napatay siya sa Megido.
30 Ang kanyang bangkay ay kinuha ng kanyang mga kasama at inilibing sa kanyang libingan sa Jerusalem. At si Jehoahaz na anak niya ang pinili ng mga taong-bayan bilang hari, kapalit ng kanyang ama.
31 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlong buwan lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
32 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang mga ninuno.
33 Ikinulong siya ng Faraon Neco ng Egipto sa Ribla, sa lupain ng Hamat at ang Juda'y hiningan niya ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto.
34 Inilagay ni Neco si Eliakim na anak ni Josias bilang hari at pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan nito. Si Jehoahaz naman ay dinalang-bihag sa Egipto at doon na ito namatay.
35 Si Haring Jehoiakim ng Juda ay nagbabayad ng buwis na pilak at ginto kay Neco. Kaya't pinatawan niya ng buwis ang buong bayan ayon sa makakaya ng bawat isa upang may maibigay siya kay Neco.
36 Si Jehoiakim ay dalawampu't limang taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang labing-isang taon. Ang kanyang ina ay si Zebida na anak ni Pedaias na taga-Ruma.
37 Tulad ng masamang halimbawa ng kanyang mga ninuno, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.