2 Mga Hari 5 MBB05

Pinagaling ang Ketong ni Naaman

1 Sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong.

2 Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang dalagitang Israelita. Naging katulong ang dalagitang ito ng asawa ni Naaman.

3 Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta na nasa Samaria, tiyak na pagagalingin siya niyon.”

4 Nang marinig ito ni Naaman, pumunta siya sa hari at ibinalita ang sinabi ng dalagitang Israelita.

5 Sinabi naman ng hari, “Sige, pumunta ka at magpapadala ako sa iyo ng sulat para sa hari ng Israel.”Pumunta nga si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuotan.

6 Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.”

7 Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”

8 Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.”

9 Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe.

10 Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”

11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin.

12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”

13 Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?”

14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.

15 Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay bumalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong aking nakayanan.”

16 Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng kahit ano.” Pinilit siya ni Naaman ngunit talagang ayaw niyang tumanggap.

17 Dahil dito, sinabi ni Naaman, “Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po bang mag-uwi ako ng lupa mula rito? Kakargahan ko ng lupa ang aking dalawang mola. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng handog na susunugin sa sinumang diyos liban kay Yahweh.

18 At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba, isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon.”

19 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Humayo kang payapa.”Nang malayu-layo na si Naaman,

20 naisaloob ni Gehazi na lingkod ni Eliseo, “Hindi tinanggap ng aking panginoon ang ibinibigay sa kanya ni Naaman? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hahabulin ko ang taga-Siriang iyon at hihingi ako sa kanya ng kahit ano.”

21 Sinundan nga niya si Naaman. Nang makita siya nitong tumatakbo, bumabâ ito ng karwahe. Sinalubong siya nito at tinanong, “May problema ba?”

22 Sumagot siya, “Wala naman po. Pinasunod lang ako ng aking panginoon para sabihing may dumating na dalawang mahirap na propeta mula sa Efraim. Kung maaari raw ay bigyan mo sila ng 35 kilong pilak at dalawang bihisang damit.”

23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana itong 70 kilong pilak.” At pilit niyang ibinigay ang 70 kilong pilak. Isinilid ito sa dalawang supot kasama ng dalawang bihisang damit at ipinapasan sa dalawa niyang tauhan. At ang mga ito'y naunang lumakad kay Gehazi.

24 Pagdating sa burol, kinuha niya sa dalawa ang mga dala nito at pinabalik na kay Naaman. At itinago niya sa bahay ang mga supot at mga damit.

25 Pagkatapos, bumalik siya sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, “Saan ka galing, Gehazi?”“Hindi po ako umaalis,” sagot niya.

26 Sinabi ni Eliseo, “Hindi ba't kasama mo ang aking espiritu nang bumabâ sa karwahe si Naaman at salubungin ka. Hindi ngayon panahon ng pagtanggap ng salapi, damit, taniman ng olibo, ubasan, tupa, baka at mga alipin!

27 Kaya't ang sakit sa balat ni Naaman na parang ketong ay mapupunta sa iyo at sa mga susunod mong salinlahi.” Nang umalis si Gehazi, nagkaroon siya ng maputing sakit sa balat na parang ketong.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25