1 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, si Joram namang anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel. Labindalawang taon siyang naghari sa Samaria, ang kabisera ng Israel.
2 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Subalit hindi siya naging kasinsama ng kanyang ama o ng kanyang ina na si Jezebel sapagkat ipinaalis niya ang rebulto ni Baal na ipinagawa ng kanyang ama.
3 Ngunit tulad ni Haring Jeroboam na anak ni Nebat, si Joram ay naging dahilan din upang magkasala ang Israel at hindi niya ito pinagsisihan.
4 Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa.
5 Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel.
6 Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram ang lahat ng mga kawal ng Israel.
7 Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo.
8 Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya.“Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram.
9 Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop.
10 Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.”
11 Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.”
12 Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo.
13 Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?”“Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari.
14 Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran. Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin.
15 Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh.
16 At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito.
17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop.
18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita.
19 Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.”
20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon.
21 Nabalitaan ng mga Moabita na nagsama-sama ang tatlong hari upang sila'y digmain. Kaya, tinipon nila ang lahat ng maaaring humawak ng sandata mula pinakabata hanggang pinakamatanda at ipinadala sa labanan.
22 Kinaumagahan, nakita nila ang tubig na kasimpula ng dugo dahil sa sikat ng araw.
23 Kaya sinabi nila, “Dugo! Marahil ay naglaban-laban ang mga hari at sila-sila'y nagpatayan. Lusubin na natin sila at samsamin ang kanilang ari-arian!”
24 Ngunit pagdating nila sa himpilan ng mga Israelita, sinugod sila ng mga ito. Umurong ang mga Moabita ngunit tinugis sila ng mga Israelita at pinatay ang bawat abutan.
25 Winasak nila ang mga lunsod sa Moab at lahat ng bukirin ay tinambakan nila ng bato. Hinarangan nila ang lahat ng batis, at ibinuwal ang lahat ng punongkahoy. Wala nang natitirang lunsod kundi ang Kir-hareset, kaya't kinubkob ito ng mga maninirador na Israelita.
26 Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila ng mga kaaway, nagtipon siya ng pitong daang kawal na sanay sa paggamit ng espada upang makalusot sila sa kinaroroonan ng hari ng Edom. Ngunit hindi sila nakalusot.
27 Kaya, kinuha niya ang panganay niyang lalaki, ang magmamana ng kanyang korona at sinunog bilang handog sa ibabaw ng pader. Nang makita ito ng mga Israelita, sila'y kinilabutan. Kaya umatras na sila at umuwi sa kanilang lupain.