1 Nang ikadalawampu't tatlong taon nang paghahari sa Juda ni Joas na anak ni Ahazias, nagsimula namang maghari sa Israel si Jehoahaz na anak ni Jehu. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labimpitong taon.
2 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan rin niya ang mga masasamang gawain ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nanguna sa Israel para magkasala. Nagpakasama rin siyang tulad nila.
3 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel kaya hinayaan niyang matalo ito ni Haring Hazael ng Siria at ng anak nitong si Ben-hadad.
4 Nanalangin si Jehoahaz kay Yahweh at pinakinggan naman siya sapagkat nakita ni Yahweh ang kalupitang dinaranas ng Israel sa kamay ng hari ng Siria.
5 Binigyan sila ni Yahweh ng isang tagapagligtas na siyang nagpalaya sa kanila sa kapangyarihan ng Siria. At muling namuhay nang mapayapa ang mga Israelita sa kani-kanilang tahanan.
6 Ngunit hindi pa rin nila tinalikuran ang kasamaan ni Jeroboam na umakay sa Israel para magkasala. Hinayaan nilang manatili sa Samaria ang haliging simbolo ng diyus-diyosang si Ashera.
7 Walang natira sa hukbo ni Jehoahaz maliban sa limampung mangangabayo, sampung karwahe at 10,000 kawal. Parang alikabok na dinurog ni Hazael ang buong hukbo ni Jehoahaz.
8 Ang iba pang ginawa ni Jehoahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
9 Namatay siya at inilibing sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Humalili sa kanya ang anak niyang si Jehoas.
10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas sa Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz naman ay nagsimulang maghari sa Israel. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labing-anim na taon.
11 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel sa pagkakasala. Wala siyang pinag-iba sa kanila.
12 Ang iba pang ginawa ni Jehoas, pati ang pakikipaglaban niya kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
13 Namatay si Jehoas at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Si Jeroboam ang humalili sa kanya bilang hari.
14 Si Eliseo ay nagkasakit nang malubha at dinalaw siya ni Haring Jehoas ng Israel. Lumuluha nitong sinabi, “Ama ko, ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!”
15 Iniutos ni Eliseo sa hari, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Kumuha naman si Jehoas. Muling nag-utos si Eliseo, “Humanda ka sa pagtudla.”
16 Sinabi uli ni Eliseo, “Banatin mo ang pana.” Binanat ng hari ang pana at ipinatong ni Eliseo sa kamay ni Jehoas ang kanyang mga kamay.
17 Pagkatapos, iniutos ni Eliseo, “Buksan mo ang bintanang nakaharap sa Siria at itudla mo ang palaso.” Sinunod naman ito ni Jehoas. Sinabi ni Eliseo, “Iyan ang palaso ng tagumpay ni Yahweh laban sa mga taga-Siria. Lalabanan mo sila sa Afec hanggang sa sila'y malipol.
18 Ngayon, kumuha ka muli ng mga palaso at itudla mo sa lupa.” Sumunod muli si Jehoas. Tatlong beses siyang tumudla sa lupa.
19 Dahil dito'y pagalit na sinabi ni Eliseo, “Bakit tatlong beses ka lamang tumudla? Sana'y lima o anim na beses para lubusan mong malupig ang Siria. Sa ginawa mong iyan, tatlong beses ka lang magtatagumpay laban sa Siria.”
20 Namatay si Eliseo at inilibing.Nang panahong iyon, nakagawian na ng mga Moabita na salakayin ang Israel taun-taon tuwing tagsibol.
21 Minsan, may mga Israelitang naglilibing ng isang lalaki. Walang anu-ano, may natanawan silang pangkat ng mga tulisan na palapit sa kanila. Kaya't sa pagmamadali ay naitapon na lamang nila ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Nang ito'y sumayad sa kalansay ni Eliseo, nabuhay ang bangkay at bumangon.
22 Ang Israel ay pinahirapan ni Haring Hazael ng Siria sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz.
23 Ngunit kinahabagan sila ni Yahweh dahil sa kasunduan niya kina Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hanggang ngayo'y hindi niya ito hinayaang lubusang nililipol ni pinababayaan man.
24 Nang mamatay si Haring Hazael ng Siria, ang anak niyang si Ben-hadad ang humalili sa kanya.
25 Tatlong beses siyang natalo ni Jehoas at nabawi nito ang lahat ng bayan ng Israel na nasakop ni Hazael sa panahon ng paghahari ni Jehoahaz na ama ni Jehoas.