18 Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran.
19 Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal.
20 Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila.
21 Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat ng sumasamba kay Baal kaya't punung-puno ang templo ni Baal.
22 Sinabi ni Jehu sa tagapag-ingat ng mga kasuotan sa templo, “Ilabas mong lahat ang kasuotan at ipasuot sa mga sumasamba kay Baal.” Sumunod naman ito.
23 Pumasok siya sa templo, kasama si Jonadad na anak ni Recab. Sinabi niya sa mga lingkod ni Baal, “Tingnan ninyong mabuti at tiyaking walang mga lingkod si Yahweh na napasama sa inyo.”
24 Pumasok sila upang ialay ang mga handog na susunugin.Si Jehu ay naglagay ng walumpung tauhan sa labas ng templo at pinagbilinan ng ganito: “Bantayan ninyong mabuti ang mga taong ito. Kayo ang papatayin ko kapag may nakatakas.”