13 Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo.
14 Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha.
15 Tinangay nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem.
16 Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal.
17 Si Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.
18 Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.