16 Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal.
17 Si Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.
18 Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
20 Umabot na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway.