2 Mga Hari 7:8-14 MBB05

8 Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.

9 Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.”

10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.”

11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.

12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”

13 Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.”

14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon.