1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—
2 Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
3 Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral,
4 at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
5 Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya.
6 May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang pakikipagdebate.
7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang ipinagpipilitang ituro.
8 Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan.
9 Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina.
10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikiapid sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga saksing hindi nagsasabi ng totoo. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral.
11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng dakila at mapagpalang Diyos.
12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya,
13 kahit na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya.
14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan.
16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus ang kanyang di-masukat na pag-ibig sa akin, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.
17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan nito ay masigla kang makipaglaban,
19 na taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak.
20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, kaya ipinaubaya ko na sila sa kapangyarihan ni Satanas upang matigil na ang kanilang paglapastangan sa Diyos.