1 Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao.
2 Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal.
3 Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas.
4 Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.
5 Sapagkat iisa ang Diyos, at tanging si Jesu-Cristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos.
6 Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon.
7 Dahil dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanang ito para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!
8 Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.
9 Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at maingat sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas.
10 Sa halip, ang maging kasuotan nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos.
11 Ang mga babae ay hayaang matuto sa kanilang pananahimik at sa lubos na pagpapasakop.
12 Hindi ko sila pinapayagang magturo o sumabat habang ang mga lalaki ay nagtuturo, kundi dapat silang manahimik.
13 Sapagkat si Adan ang unang nilalang bago si Eva,
14 at hindi si Adan kundi si Eva ang nadaya at nagkasala.
15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.