1 Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo.
2 Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi.
3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan.
4 Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat
5 sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. Maipapakita mong pinalakas ka ng mga turo tungkol sa pananampalataya at sa mabuting aral na iyong sinusunod.
7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, pagsumikapan mong maging maka-Diyos.
8 May pakinabang sa pagpapalakas ng katawan, ngunit ang pagsusumikap na maging maka-Diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating.
9 Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat.
10 Dahil dito, nagsisikap tayo at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga mananampalataya.
11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito.
12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay.
13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo.
14 Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu Santo na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga pinuno ng iglesya ang kanilang kamay.
15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago.
16 Pakaingatan mo ang iyong pagkilos at pagtuturo; patuloy mong gawin ang mga bagay na ito upang maligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.