1 Timoteo 3 RTPV05

Ang mga Tagapangasiwa sa Iglesya

1 Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain.

2 Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo.

3 Hindi siya lasenggo, hindi marahas, kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi.

4 Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak.

5 Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya maiayos ang sarili niyang pamilya?

6 Kailangang siya'y matagal nang mananampalataya; sapagkat kung hindi, baka siya'y maging palalo at mapahamak na gaya ng diyablo.

7 Bukod dito, kailangang siya'y may mabuting patotoo sa paningin ng mga hindi sumasampalataya upang di siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya

8 Ang mga tagapaglingkod naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi.

9 Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi.

10 Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod.

11 Gayundin naman, ang mga babaing tagapaglingkod ay dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, mapagtimpi at matapat sa lahat ng mga bagay.

12 Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan.

13 Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay iginagalang ng mga tao at buong tiwalang makapagpapahayag tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon

14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito

15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga taong kabilang sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan.

16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:Siya'y nahayag nang maging tao,pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel.Ipinangaral sa mga Hentil,pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6