10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya.
11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.
12 Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod.
13 Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling.
14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito.
15 Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba.
16 Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay.