1 Ang naunang kasunduan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao.
2 Itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos;
3 ang ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
4 Naroon ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan.
5 At sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit ito'y hindi na namin ipapaliwanag nang isa-isa ngayon.
6 Ganoon ang pagkakaayos ng loob ng toldang kanilang sinasambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin.
7 Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa mga kasalanang nagawa niya at ng mga tao nang hindi nalalaman.
8 Sa ganoong pagkaayos, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda.
9 Simbolo lamang ang mga iyon at ang kahulugan nito ay ang kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nagpapabanal sa mga sumasamba roon.
10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.
11 Ngunit dumating na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang ito ay hindi sa sanlibutang ito.
12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan magpakailanman.
13 Kung ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan,
14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso't isipan sa mga gawaing walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.
15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong kasunduan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang kasunduan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.
16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon,
17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na.
18 Maging ang naunang kasunduan ay hindi pinagtibay kung hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop na inihandog.
19 Matapos ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kinuha niya ang dugo ng mga baka at ng mga kambing at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao.
20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinapatupad sa inyo.”
21 Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba.
22 Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at walang kapatawaran ng kasalanan kung hindi sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo.
23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit.
24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.
25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili.
26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay.
27 Itinakda sa mga tao na sila'y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom.
28 Gayundin naman, si Cristo'y minsang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.