Mga Hebreo 3 RTPV05

Higit si Jesus kay Moises

1 Mga kapatid sa pananampalataya at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya.

2 Tapat siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos.

3 Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises.

4 Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay.

5 Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon.

6 Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kaya't matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.

Kapahingahan Para sa Sambahayan ng Diyos

7 Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,

8 iyang inyong puso'y huwag patigasin,tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno doon sa ilang, nang subukin nila ako.

9 Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang,bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.

10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,‘Lagi silang lumalayo sa akin,ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’

11 Kaya't sa galit ko,‘Ako ay sumumpang hindi mararating, ang lupang pangakong aking inilaan.’”

12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag maging masama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa kanyang talikuran ang Diyos na buháy.

13 Sa halip, magtulungan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo at maging alipin ng kasalanan.

14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.

15 Ito nga ang sinasabi sa kasulatan,“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,iyang inyong puso'y huwag patigasin,tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”

16 Sino ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises sa Egipto?

17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at namatay sa ilang?

18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod?

19 Maliwanag kung ganoon kaya't hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Diyos.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13