1 Kaya nga, dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin upang hindi tayo maligaw.
2 Ang mensaheng ipinahayag ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa.
3 Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo.
4 Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.
5 Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang sanlibutang kanyang lilikhain—ang sanlibutang aming tinutukoy.
6 Sa halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng kasulatan:“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
7 Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati,
8 at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.
9 Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa kanyang kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay mamatay para sa ating lahat.
10 Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming tao patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.
11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid.
12 Sinabi niya sa Diyos,“Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”
13 Sinabi rin niya,“Ako'y mananalig sa Diyos.”At dugtong pa niya,“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”
14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.
15 At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho'y inalipin ng takot sa kamatayan.
16 Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay mga anak ni Abraham.
17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y naging isang Pinakapunong Pari, mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao.
18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay nakaranas ng pagtukso at paghihirap.