1 Si Melquisedec ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at sinabi sa kanya, “Pagpalain ka ng Panginoon.”
2 Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”.
3 Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.
4 Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan.
5 Ayon sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay binigyan ng karapatang kunin ang ikasampung bahagi ng pag-aari ng mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham.
6 Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos.
7 Nalalaman ng lahat na ang nagbibigay ng pagpapala ay higit na dakila kaysa pinagpapala.
8 Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan.
9 Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham.
10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
11 Ang Kautusan ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. Kung ang pagiging-ganap ay nakamtan sa pamamagitan ng mga paring mula sa angkan ni Levi, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pari, ayon sa pagkapari ni Melquisedec, na iba sa pagkapari ni Aaron.
12 Kapag binago ang pagkapari, kailangan ding baguhin ang kautusan.
13 Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito. Kabilang siya sa ibang angkan at wala isa man sa angkan niya ang naglingkod bilang pari.
14 Alam ng lahat na siya'y mula sa angkan ni Juda, at hindi binanggit ni Moises ang angkang ito nang sabihin niya ang tungkol sa mga pari.
15 Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
16 Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan, ayon sa hinihingi ng Kautusan.
17 Sapagkat ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
18 Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa.
19 Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.
20 Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba,
21 ngunit nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,“Ang Panginoon ay sumumpa,at hindi siya magbabago ng isip,‘Ikaw ay pari magpakailanman!’”
22 Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.
23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan.
24 Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari.
25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
26 Samakatuwid, si Jesus, kung ganoon, ang Pinakapunong Paring nakakatugon sa ating pangangailangan. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan.
27 Hindi siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y magpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili.
28 May mga kahinaan ang mga pinakapunong pari na pinili ayon sa Kautusan ngunit ang Dakilang Pinakapunong Pari na pinili ayon sa panunumpa ay ang Anak na ginawang ganap magpakailanman. At ang ipinangako ng Diyos ay huling dumating kaysa sa Kautusan.