15 Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba.
16 Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay.
17 Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.
18 Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin.
19 Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila,
20 sapagkat hindi nila matagalan ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”
21 Talagang nakakakilabot ang kanilang natatanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!”