17 Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.
18 Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin.
19 Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila,
20 sapagkat hindi nila matagalan ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”
21 Talagang nakakakilabot ang kanilang natatanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lunsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel.
23 Dumalo kayo sa masayang pagtitipon ng mga itinuring na panganay. Ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong ginawang ganap.