7 Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa mga kasalanang nagawa niya at ng mga tao nang hindi nalalaman.
8 Sa ganoong pagkaayos, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda.
9 Simbolo lamang ang mga iyon at ang kahulugan nito ay ang kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nagpapabanal sa mga sumasamba roon.
10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.
11 Ngunit dumating na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang ito ay hindi sa sanlibutang ito.
12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan magpakailanman.
13 Kung ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan,