1 Darating ang araw na pababayaan ni Yahweh na mapasok ang Jerusalem, at lahat ng masasamsam ay paghahati-hatian sa harapan ninyo.
2 Pagkakaisahin ko ang mga bansa laban sa Jerusalem. Lulusubin nila ito, hahalughugin ang lahat ng bahay, at gagahasain ang mga babae. Ipapatapon ang kalahati sa mga taga-Jerusalem at iiwanan ang kalahati.
3 Ngunit ang mga bansang iyon ay didigmain ni Yahweh tulad ng ginawa niya noong una.
4 Sa araw na iyon, tatayo si Yahweh sa Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan ng Jerusalem. Magkakaroon ng maluwang na libis sa gitna ng bundok, pagkat mahahati ito mula sa silangan hanggang kanluran: ang kalahati ay mapupunta sa hilaga at sa timog naman ang kalahati.
5 Sa libis kayo daraan sa inyong pagtakas, tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno nang lumindol sa Juda noong panahon ni Haring Uzias. At si Yahweh ay darating na kasama ang kanyang mga anghel.
6 Sa panahong iyon, wala nang taglamig
7 at hindi na didilim; mananatiling maliwanag kahit sa gabi. Si Yahweh lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.
8 Ang mga agos ng tubig buhat sa Jerusalem ay patuloy sa buong taon. Patungo sa Dagat na Patay ang kalahati at sa Dagat Mediteraneo naman ang kalahati.
9 Ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh; siya lamang at ang kanyang pangalan ang kikilalanin ng lahat.
10 Ang buong lupain ay gagawing kapatagan mula sa Geba hanggang Rimon, sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas mula sa pintuan ng Benjamin, sa lugar ng dating pintuan, hanggang sa pintuan sa sulok, mula sa bantayan ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas sa hardin ng palasyo.
11 Mapupuno ito ng mga mamamayan, at hindi na ito isusumpa pang muli. Ito'y paghaharian na ng kapayapaan.
12 Ang mga lulusob sa Jerusalem ay padadalhan ni Yahweh ng kakila-kilabot na sakit; buháy pa sila ay mabubulok na ang kanilang laman, mata at dila.
13 Paghaharian sila ng malaking kaguluhan, at sila-sila'y maglalaban.
14 Lulusubin sila ng mga taga-Juda upang ipagtanggol ang Jerusalem at sasamsamin ang maiiwanan nilang kayamanang ginto, pilak at mga kasuotan.
15 Padadalhan din niya ng salot ang kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, asno at iba pang mga hayop.
16 Kapag nalupig na ang mga kaaway, lahat ng nakaligtas sa labanan at sa salot ay pupunta sa Jerusalem taun-taon upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang Hari, at makikisama sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda.
17 At alinmang bansang hindi sumasamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Hari, ay hindi makakaranas ng ulan.
18 Kapag ang mga Egipcio ay di pumunta sa Jerusalem, padadalhan din sila ng salot tulad ng ipinadala sa mga bansang hindi nakiisa sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda.
19 Iyan ang ipaparusa sa Egipto at sa mga bansang hindi makikiisa sa pagdiriwang ng nasabing pista.
20 Sa araw na iyon, ang mga kampanilyang palamuti sa mga kabayong pandigma ay susulatan ng ganito, “Itinalaga kay Yahweh.” Magiging sagrado ang lahat ng lutuan sa templo, tulad ng mga palanggana sa harap ng altar.
21 Lahat ng lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging sagrado para kay Yahweh upang magamit sa lahat ng paghahandog. At mawawala na ang mga mangangalakal sa templo ni Yahweh.