1 Muli akong tumingin at may nakita akong apat na karwaheng lumabas sa pagitan ng dalawang malalaking bundok na tanso.
2 Pula ang mga kabayong humihila sa unang karwahe, kulay itim naman sa pangalawa,
3 mga kabayong kulay puti ang sa pangatlo, at mga kabayong batik-batik ang sa pang-apat.
4 Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan ng mga karwaheng ito?”
5 Sumagot siya, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin ng himpapawid na nagmula kay Yahweh na Panginoon ng buong daigdig.
6 Ang hila ng mga kabayong kulay itim ay pupunta sa hilaga, sa kanluran naman ang hila ng puti, at sa timog naman ang hila ng may batik-batik.”
7 Nang lumabas ang mga kabayong may batik-batik na pula, sila'y nagpipiglas upang siyasatin ang daigdig. Kaya sinabi ng anghel, “Sulong, siyasatin na ninyo ang daigdig!” At gayon nga ang ginawa ng mga ito.
8 Walang anu-ano, isinigaw sa akin ng anghel, “Ang poot ni Yahweh ay pinayapa na ng mga kabayong nagpunta sa Babilonia!”
9 Sinabi sa akin ni Yahweh,
10 “Puntahan mo sina Heldai, Tobias at Jedaias na kasama ng mga bihag na dinala sa Babilonia. Pagkatapos, tumuloy ka kay Josias na anak ni Sefanias. Kunin mo ang kanilang mga handog na pilak at ginto,
11 at gawin mong korona para sa pinakapunong paring si Josue na anak ni Jehozadak.
12 Sabihin mo sa kanya, ‘Narito ang isang taong ang pangala'y Sanga. Tutubo siya mula sa kanyang kinalalagyan at ipatatayo niya ang templo ni Yahweh.
13 Siya nga ang magtatayo ng templo, uupo sa trono, at manunungkulan bilang hari. Tutulungan siya ng isang pari at maghahari sa kanila ang mabuting pag-uunawaan.
14 Ang korona ay mananatili sa templo bilang pag-alala kina Heldai, Tobias, Jedaias at Josias.’”
15 Magsisiparito ang mga taong taga-malayong lupain upang tumulong sa pagtatayo ng templo ni Yahweh. Sa gayon, mapapatunayan ninyong isinugo nga ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Mangyayari ang lahat ng ito kung tutuparin ninyo ang kanyang mga utos.