1 Noong ikaapat na taon ng pamamahala ni Haring Dario, muling nagpahayag kay Zacarias si Yahweh. Naganap ito noong ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng taon.
2 Ang mga pangkat nina Sarezer at Regemmelec ay sinugo ng mga taga-Bethel upang makiusap kay Yahweh
3 at itanong sa mga pari at sa mga propeta kung kailangan pa nilang magluksa sa ika-5 buwan, tulad ng dati nilang ginagawa.
4-5 Ito ang mga mensaheng ibinigay sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat para sa mga mamamayan ng buong lupain at sa mga pari: “Ang pagluluksa at pag-aayunong ginagawa ninyo tuwing ika-5 at ika-7 buwan sa loob ng pitumpung taon ay hindi parangal sa akin.
6 Hindi ba't nagkakainan at nag-iinuman kayo para lamang mabusog at masiyahan?”
7 Hindi ba't ito rin ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng mga unang propeta, nang ang Jerusalem at ang mga lunsod sa paligid nito kasama ang Negeb at mga bulubunduking lalawigan ay hindi pa nawawasak at nasa panahon ng kaunlaran.
8 Pinahayag ni Yahweh kay Zacarias, “Sabihin mo sa kanila,
9 ‘Pairalin ninyo ang katarungan at maging mahabagin kayo sa isa't isa.
10 Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda, ang mga ulila, ang mga dayuhan o ang mahihirap. Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa.’
11 “Ngunit hindi nila ito pinakinggan; matigas ang kanilang ulo at sila'y nagbingi-bingihan.
12 Ipinilit nila ang sariling kagustuhan at hindi dininig ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat sa pamamagitan ng mga propeta. Dahil dito, labis siyang nagalit sa kanila.
13 ‘Nang magsalita ako sa kanila, hindi nila ako pinakinggan, kaya ganoon din ang ginawa ko nang sila naman ang magsalita sa akin.
14 At ipinakalat ko sila sa lahat ng panig ng daigdig, sa mga lugar na di nila dating napupuntahan. Dahil dito, napabayaan ang dating magandang lupain; wala na ring dumaraan at naninirahan doon.’”