8 Ang mga agos ng tubig buhat sa Jerusalem ay patuloy sa buong taon. Patungo sa Dagat na Patay ang kalahati at sa Dagat Mediteraneo naman ang kalahati.
9 Ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh; siya lamang at ang kanyang pangalan ang kikilalanin ng lahat.
10 Ang buong lupain ay gagawing kapatagan mula sa Geba hanggang Rimon, sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas mula sa pintuan ng Benjamin, sa lugar ng dating pintuan, hanggang sa pintuan sa sulok, mula sa bantayan ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas sa hardin ng palasyo.
11 Mapupuno ito ng mga mamamayan, at hindi na ito isusumpa pang muli. Ito'y paghaharian na ng kapayapaan.
12 Ang mga lulusob sa Jerusalem ay padadalhan ni Yahweh ng kakila-kilabot na sakit; buháy pa sila ay mabubulok na ang kanilang laman, mata at dila.
13 Paghaharian sila ng malaking kaguluhan, at sila-sila'y maglalaban.
14 Lulusubin sila ng mga taga-Juda upang ipagtanggol ang Jerusalem at sasamsamin ang maiiwanan nilang kayamanang ginto, pilak at mga kasuotan.