35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios.
36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat.
37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo.
39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus.
40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay.
41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay.
42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay.