1 Nang mapagpasyahan nilang papuntahin kami sa Italia, ipinagkatiwala nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo kay Julius. Si Julius ay isang kapitan ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyon ng Emperador.
2 Doon sa Cesarea ay may isang barkong galing sa Adramitium at papaalis na papunta sa mga daungan ng lalawigan ng Asia. Doon kami sumakay. Sumama sa amin si Aristarcus na taga-Tesalonica na sakop ng Macedonia.
3 Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabait si Julius kay Pablo. Pinahintulutan niya si Pablo na dumalaw sa kanyang mga kaibigan doon para matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.
4 Mula sa Sidon, bumiyahe uli kami. At dahil salungat sa amin ang hangin, doon kami dumaan sa kabila ng isla ng Cyprus na kubli sa hangin.
5 Nilakbay namin ang karagatan ng Cilicia at Pamfilia, at dumaong kami sa Myra na sakop ng Lycia.
6 Nakakita roon si Kapitan Julius ng isang barko na galing sa Alexandria at papunta sa Italia, kaya pinalipat niya kami roon.
7 Mabagal ang biyahe namin. Tumagal ito ng maraming araw, at talagang nahirapan kami hanggang sa nakarating kami malapit sa Cnidus. At dahil salungat ang hangin, hindi kami makatuloy sa pupuntahan namin. Kaya bumiyahe kami sa kabila ng isla ng Crete na kubli sa hangin, at doon kami dumaan malapit sa Salmone.
8 Namaybay kami, pero talagang nahirapan kami bago makarating sa lugar na tinatawag na “Magagandang Daungan.” Malapit ito sa bayan ng Lasea.
9 Nagtagal kami roon hanggang inabot kami ng panahong mapanganib ang pagbibiyahe, dahil nakalipas na ang Araw ng Pag-aayuno. Kaya sinabi ni Pablo sa aming mga kasama,
10 “Ang tantiya ko, mapanganib na kung tutuloy tayo, at hindi lang ang mga karga at ang barko ang mawawala baka pati na rin ang ating buhay.”
11 Pero mas naniwala ang kapitan ng mga sundalo sa sinabi ng kapitan ng barko at ng may-ari nito kaysa sa payo ni Pablo.
12 At dahil sa hindi ligtas sa malakas na hangin ang daungan doon, karamihan sa mga kasama namin ay sumang-ayon na magbiyahe. Nagbakasakali silang makakarating kami sa Fenix at doon magpapalipas ng tag-unos. Sapagkat ang Fenix ay isang daungan sa Crete na may magandang kublihan kung tag-unos.
13 Nang umihip ang mahinang hangin galing sa timog, ang akala ng mga kasamahan namin ay pwede na kaming bumiyahe. Kaya itinaas nila ang angkla at nagbiyahe kaming namamaybay sa isla ng Crete.
14 Hindi nagtagal, bumugso ang malakas na hilagang-silangang hangin mula sa isla ng Crete.
15 Pagtama ng malakas na hangin sa amin, hindi na kami makaabante, kaya nagpatangay na lang kami kung saan kami dalhin ng hangin.
16 Nang nasa bandang timog na kami ng maliit na isla ng Cauda, nakapagkubli kami nang kaunti. Kahit nahirapan kami, naisampa pa namin ang maliit na bangka na dala ng barko para hindi ito mawasak.
17 Nang mahatak na ang bangka, itinali ito nang mahigpit sa barko. Sapagkat natatakot sila na baka sumayad ang barko malapit sa Libya, ibinaba nila ang layag at nagpatangay sa hangin.
18 Tuloy-tuloy pa rin ang malakas na bagyo, kaya kinabukasan, nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.
19 Nang sumunod pang araw, ang mga kagamitan na mismo ng barko ang kanilang itinapon.
20 Sa loob ng ilang araw, hindi na namin nakita ang araw at mga bituin, at tuloy-tuloy pa rin ang bagyo, hanggang sa nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.
21 Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Crete, hindi sana nangyari sa atin ang mga kahirapan at mga kapinsalaang ito.
22 Pero ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin. Ang barko lang ang masisira.
23 Sapagkat kagabi, nagpakita sa akin ang isang anghel. Ipinadala siya ng Dios na nagmamay-ari sa akin at aking pinaglilingkuran.
24 Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa awa ng Dios, ang lahat mong kasama rito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’
25 Kaya mga kaibigan, huwag na kayong matakot, dahil nananalig ako sa Dios na matutupad ang kanyang sinabi sa akin.
26 Pero ipapadpad tayo sa isang isla.”
27 Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat.
28 Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang.
29 At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana.
30 Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko.
31 Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.”
32 Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.
33 Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain.
34 Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.”
35 Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Dios. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain.
36 Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat.
37 (276 kaming lahat na sakay ng barko.)
38 Nang makakain na ang lahat at busog na, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.
39 Nang mag-umaga na, hindi alam ng mga tripulante kung saang isla kami napadpad, pero may nakita silang isang look na may dalampasigan, kaya nagkasundo sila na doon nila isadsad ang barko.
40 Kaya pinutol nila ang mga lubid na nakatali sa angkla. Kinalag din nila ang mga tali ng timon. At itinaas nila ang layag sa unahan para tangayin ng hangin ang barko papuntang dalampasigan.
41 Pero sumayad ang barko sa mababaw na parte ng tubig. Bumaon ang unahan nito at hindi na makaalis. Ang hulihan naman ay nawasak dahil sa salpok ng malalakas na alon.
42 Papatayin na sana ng mga sundalo ang lahat ng bilanggo para walang makalangoy papuntang dalampasigan at makatakas.
43 Pero pinigilan sila ng kanilang kapitan dahil gusto niyang maligtas si Pablo. Nag-utos siya na lumukso muna ang lahat ng marunong lumangoy, at mauna na sa dalampasigan.
44 Pagkatapos, pinasunod niya ang iba na nakakapit sa tabla at sa mga parte ng barko na lumulutang. Ganoon ang aming ginawa, at lahat kami ay ligtas na nakarating sa dalampasigan.