1 Dumating si Festus sa lalawigan ng Judea bilang gobernador, at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula Cesarea.
2 Doon sinabi sa kanya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. At hiniling nila kay Festus na bigyan sila ng pabor,
3 na ipadala niya si Pablo sa Jerusalem. (Pero balak pala nilang tambangan si Pablo sa daan at patayin).
4 Sumagot si Festus, “Doon na lang si Pablo sa bilangguan sa Cesarea. Hindi ako magtatagal dito dahil babalik ako roon.
5 Kaya pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno at doon ninyo siya akusahan kung may masama siyang nagawa.”
6 Mahigit isang linggo ang pananatili ni Festus sa Jerusalem, pagkatapos, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na papasukin si Pablo.
7 Pagpasok ni Pablo, pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem, at marami silang mabibigat na akusasyon laban sa kanya na hindi naman nila talaga napatunayan.
8 Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili. Sinabi niya, “Wala akong nagawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kayaʼy sa Emperador ng Roma.”
9 Dahil nais ni Festus na magustuhan siya ng mga Judio, tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ko lilitisin ang kaso mo?”
10 Sumagot si Pablo, “Dito po ako nakatayo sa korte ng Emperador, at dito nʼyo ako dapat hatulan. Wala akong ginawang kasalanan sa mga Judio at alam naman ninyo iyan.
11 Kung totoong lumabag ako sa kautusan at dapat akong parusahan ng kamatayan, tatanggapin ko ang hatol sa akin. Pero kung walang katotohanan ang kanilang akusasyon sa akin, hindi ako dapat ipagkatiwala sa kanila. Kaya aapela na lang ako sa Emperador ng Roma!”
12 Nakipag-usap agad si Festus sa mga miyembro ng kanyang korte, at pagkatapos ay sinabi niya kay Pablo, “Dahil gusto mong lumapit sa Emperador, ipapadala kita sa kanya.”
13 Makaraan ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at ang kanyang kapatid na si Bernice dahil nais nilang dalawin si Gobernador Festus.
14 Nanatili sila roon ng ilang araw, at sinabi ni Festus sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May bilanggong iniwan dito ang dating gobernador na si Felix.
15 Pagpunta ko sa Jerusalem, inakusahan ang taong ito ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. Hiniling nila sa akin na parusahan ko siya.
16 Sinabi ko sa kanila na hindi ugali ng mga Romano na parusahan ang kahit sino na hindi humaharap sa mga nag-aakusa sa kanya, at hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na masagot ang mga akusasyon laban sa kanya.
17 Kaya sumama sila sa akin pabalik dito sa Cesarea. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon, kaya kinabukasan, umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko ang taong ito.
18 Akala koʼy may mabigat talaga silang akusasyon laban sa kanya, pero nang magkaharap-harap na sila, wala naman pala.
19 Ang mga bagay na pinagtatalunan nila ay tungkol lang sa relihiyon nila at sa isang taong ang pangalan ay Jesus. Patay na ang taong ito, pero ayon kay Pablo ay buhay siya.
20 Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa kasong ito, kaya tinanong ko si Pablo kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem at doon mismo lilitisin ang kaso.
21 Pero sinabi ni Pablo na lalapit na lang siya sa Emperador para ang Emperador na mismo ang magpasya. Kaya nag-utos ako na bantayan siya hanggang maipadala ko siya sa Emperador.”
22 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Gusto kong mapakinggan ang taong ito.” Sinabi ni Festus, “Sige, bukas mapapakinggan mo siya.”
23 Kinabukasan, dumating sa korte sina Agripa at Bernice na may buong parangal. Maraming opisyal ng mga sundalo at mga kilalang tao sa lungsod ang sumama sa kanila. Pagkatapos, nag-utos si Festus na dalhin doon si Pablo. Nang nasa loob na si Pablo,
24 sinabi ni Festus, “Haring Agripa at kayong lahat na naririto ngayon, narito ang taong pinaakusahan sa akin ng mga Judio rito sa Cesarea at sa Jerusalem. Isinisigaw nila na ang taong ito ay dapat patayin.
25 Pero ayon sa pag-iimbestiga ko, wala akong nakitang dahilan para parusahan siya ng kamatayan. At dahil nais niyang lumapit sa Emperador, nagpasya akong ipadala siya sa Emperador.
26 Pero wala akong maisulat na dahilan sa Emperador kung bakit ipinadala ko siya roon. Kaya ipinapaharap ko siya sa inyo, at lalung-lalo na sa inyo Haring Agripa, para pagkatapos ng pag-iimbestiga natin sa kanya, mayroon na akong maisusulat.
27 Sapagkat hindi ko maaaring ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang walang malinaw na akusasyon laban sa kanya.”