Mga Gawa 22 ASND

1 “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan muna ninyo ang sasabihin ko bilang pagtatanggol sa aking sarili!”

2 Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita:

3 “Akoʼy isang Judiong ipinanganak sa Tarsus na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Dios.

4 Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa pamamaraan ni Jesus. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae.

5 Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Judio doon sa Damascus. At sa bisa ng sulat na iyon, pumunta ako sa Damascus para hulihin ang mga sumasampalataya kay Jesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem para parusahan.

Ikinuwento ni Pablo Kung Paano Niya Nakilala si Jesus

6 “Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damascus. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit.

7 Napasubsob ako sa lupa at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’

8 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Jesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’

9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag pero hindi nila narinig ang boses na nagsasalita sa akin.

10 At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damascus, at sasabihin sa iyo roon ang lahat ng iyong gagawin.’

11 Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.

12 “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon.

13 Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias.

14 Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus.

15 Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig.

16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”

Inutusan si Pablo na Mangaral sa mga Hindi Judio

17 “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain.

18 Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’

19 Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo?

20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’

21 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”

22 Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!”

23 Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.

24 Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya.

25 Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?”

26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!”

27 Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo.

28 Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!”

29 Umurong agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.

Dinala si Pablo sa Korte ng mga Judio

30 Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Judio si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28