Mga Gawa 3 ASND

Ang Paggaling ng Taong Lumpo

1 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin.

2 Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo.

3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.

4 Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”

5 Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan.

6 Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera. Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!”

7 At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong.

8 Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios.

9 Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios.

10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Nagsalita si Pedro sa Balkonahe ni Solomon

11 Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila.

12 Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan?

13 Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya.

14 Banal siya at matuwid, ngunit itinakwil nʼyo at hiniling kay Pilato na pakawalan ang isang mamamatay-tao sa halip na siya.

15 Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. At makapagpapatunay kami na nabuhay siyang muli.

16 Ang pananampalataya kay Jesus ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong namukhaan at nakikita ngayon. Kayo man ay mga saksi na gumaling siya. Nangyari ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.

17 “Mga kapatid, alam kong nagawa ninyo at ng inyong mga pinuno ang mga bagay na iyon kay Jesus dahil hindi nʼyo alam kung sino talaga siya.

18 Ipinahayag na ng Dios noon sa pamamagitan ng mga propeta na si Cristo ay kinakailangang magdusa. At sa inyong ginawa sa kanya, natupad ang sinabi ng Dios.

19 Kaya ngayon, kailangang magsisi na kayo at lumapit sa Dios, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan,

20 at matanggap nʼyo ang bagong kalakasan mula sa Panginoon. Pagkatapos, ipapadala niya si Jesus, ang Cristo na itinalaga niya noon para sa inyo.

21 Ngunit kinakailangang manatili muna si Jesus sa langit hanggang sa dumating ang panahon na mabago ng Dios ang lahat ng bagay. Iyan din ang sinabi ng Dios noon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta.

22 Katulad ng sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoon na ating Dios ay magbibigay sa inyo ng isang propetang katulad ko at kalahi ninyo. Kinakailangang sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo.

23 Ang hindi susunod sa sinasabi ng propetang ito ay ihihiwalay sa bayan ng Dios at lilipulin.’

24 Ganyan din ang sinabi ng lahat ng propeta mula kay Samuel. Silang lahat ay nagpahayag tungkol sa mga bagay na mangyayari ngayon.

25 Ang mga ipinangako ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga propeta ay para talaga sa atin na mga Judio, at kasama tayo sa kasunduan na ginawa ng Dios sa ating mga ninuno, dahil sinabi niya kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo sa pamamagitan ng iyong lahi.’

26 Kaya sinugo ng Dios ang kanyang piniling Lingkod, una sa atin na mga Judio, para tulungan niya tayong talikuran ang kasamaan.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28