1 Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes, nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay.
2 Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan.
3 Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila.
4 Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon.
5 Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo.
6 Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika.
7 Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat?
8 Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika?
9 Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadosia, Pontus at Asia.
10 Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Egipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cyrene. Mayroon ding mga taga-Roma,
11 mga Judio, at mga hindi Judio na nahikayat sa relihiyon ng mga Judio. At ang iba ay mula sa Crete at Arabia. Pero naririnig natin sila na nagsasalita ng mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Dios!”
12 Namangha talaga ang lahat ng tao roon. At dahil hindi nila maunawaan kung ano ang nangyayari, nagtanungan na lang sila sa isaʼt isa, “Ano kaya ito?”
13 Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!”
14 Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito.
15 Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga.
16 Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon:
17 ‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao.Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita;ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain;at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita.
19 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon.
21 Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”
22 Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo.
23 Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus.
24 Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya.
25 Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya,‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba.
26 Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios.At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako.
27 Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan.Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay,at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’
29 “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing.
30 Si David ay propeta at alam niya na nangako ang Dios sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang kaharian.
31 At dahil alam ni David kung ano ang gagawin ng Dios, nagsalita siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, na hindi siya pinabayaan sa libingan at hindi nabulok ang kanyang katawan.
32 Ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Jesus na muling binuhay ng Dios, at kaming lahat ay saksi na muli siyang nabuhay.
33 Itinaas siya sa kanan ng Dios. At ibinigay sa kanya ng Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ang Banal na Espiritung ito ay ipinadala naman ni Jesus sa amin, at ang kanyang kapangyarihan ang siyang nakikita ninyo at naririnig ngayon.
34-35 Hindi si David ang itinaas sa langit, pero sinabi niya,‘Nagsalita ang Panginoon sa aking Panginoon:Umupo ka rito sa kanan ko hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’
36 Kaya dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Jesus na ipinapako nʼyo sa krus ang siyang pinili ng Dios na maging Panginoon at Cristo.”
37 Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya nagtanong sila kay Pedro at sa kanyang kasamang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”
38 Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo, at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Dios na walang iba kundi ang Banal na Espiritu.
39 Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Dios na magsisilapit sa kanya.”
40 Marami pang ipinahayag si Pedro para patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At hiniling niya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang henerasyong ito.”
41 Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya.
42 Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.
43 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios.
44 Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat.
45 Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
46 Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain,
47 at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.