1 Nang mga panahong iyon, dumarami na ang mga tagasunod ni Jesus. Nagreklamo ang mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang hindi nabibigyan ng pang-araw-araw na rasyon ang kanilang mga biyuda.
2 Kaya ipinatawag ng 12 apostol ang lahat ng tagasunod ni Jesus, at sinabihan sila, “Hindi mabuting pabayaan namin ang pangangaral ng salita ng Dios para mag-asikaso lang ng materyal na mga tulong.
3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malinis na pangalan, marunong, at puspos ng Banal na Espiritu. Sila ang pamamahalain natin sa mga materyal na tulong.
4 At ilalaan naman namin ang aming oras sa pananalangin at sa pangangaral ng salita ng Dios.”
5 Sumang-ayon ang lahat ng mga mananampalataya sa sinabi ng mga apostol. Kaya pinili nila si Esteban na may matibay na pananampalataya at puspos ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procorus, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioc. Si Nicolas ay hindi Judio pero umanib sa relihiyon ng mga Judio.
6 Dinala nila ang mga napiling ito sa mga apostol. At ipinanalangin sila ng mga apostol at pinatungan ng kamay bilang pagtatalaga sa tungkulin.
7 Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios. Marami pang mga taga-Jerusalem ang naging tagasunod ni Jesus, at marami ring pari ang sumampalataya sa kanya.
8 Pinagkalooban ng Dios si Esteban ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at mga kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao.
9 Pero may mga taong kumalaban sa kanya. Ito ay ang mga Judiong mula sa Cyrene, Alexandria, Cilicia, at Asia. Mga miyembro sila ng sambahan ng mga Judio na tinatawag na Sambahan ng mga Pinalaya sa Pagkaalipin. Nakikipagtalo sila kay Esteban,
10 pero hindi nila kayang talunin si Esteban dahil binigyan siya ng karunungan ng Banal na Espiritu.
11 Kaya lihim nilang sinulsulan ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin si Esteban na nagsalita ng masama laban kay Moises at sa Dios.”
12 Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Judio, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at dinala sa korte ng mga Judio.
13 Mayroon din silang pinapasok na ilang tao para tumestigo ng kasinungalingan laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita ng laban sa ating sagradong templo at sa Kautusan ni Moises.
14 Narinig naming sinabi niya na ang ating templo ay gigibain ni Jesus na taga-Nazaret at papalitan niya ang mga kaugaliang iniwan sa atin ni Moises!”
15 Ang lahat ng miyembro ng Korte ay tumitig kay Esteban, at nakita nila ang kanyang mukha na nagliwanag na parang mukha ng anghel.