18 Nang marinig ito ng mga kapatid na Judio, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Kung ganoon, ibinigay din ng Dios sa mga hindi Judio ang pagkakataon na magsisi para matanggap nila ang buhay na walang hanggan.”
19 Simula nang mamatay si Esteban, nangalat ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig sa kanila. Ang iba ay nakarating sa Fenicia, Cyprus, at Antioc. Ipinapahayag nila ang Magandang Balita kahit saan sila pumunta, pero sa mga Judio lamang.
20 Pero ang ibang mananampalataya na taga-Cyprus at taga-Cyrene ay pumunta sa Antioc at nagpahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus maging sa mga hindi Judio.
21 Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanila at marami ang sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon.
22 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng iglesya sa Jerusalem, kaya pinapunta nila si Bernabe sa Antioc.
23 Pagdating niya roon, natuwa siya dahil nakita niya ang mga kabutihang ginawa ng Dios sa mga tao roon. At pinayuhan niya sila na maging matapat at matatag sa kanilang pananampalataya sa Panginoon.
24 Mabuting tao si Bernabe. Pinapatnubayan siya ng Banal na Espiritu, at matibay ang kanyang pananampalataya sa Dios. Kaya marami sa Antioc ang sumampalataya sa Panginoon.