1 Doon sa Antioc ay may mga propeta at mga tagapagturo na miyembro ng iglesya. Silaʼy sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro, Lucius na taga-Cyrene, Manaen na kababata ni Gobernador Herodes, at si Saulo.
2 Habang sumasamba sila sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanila, “Italaga ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo, dahil may ipapagawa ako sa kanila.”
3 Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, pinatungan nila sina Bernabe at Saulo ng kanilang mga kamay at pinaalis na sila.
4 Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus.
5 Pagdating nila roon sa bayan ng Salamis, nangaral sila ng salita ng Dios sa mga sambahan ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan Marcos at tumutulong siya sa kanilang gawain.
6 Inikot nila ang buong isla hanggang sa nakarating sila sa bayan ng Pafos. May nakita sila roon na isang Judiong salamangkero na nagkukunwaring propeta ng Dios. Ang pangalan niya ay Bar Jesus.