42 Nang palabas na sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio, inimbitahan sila ng mga tao na muling magsalita tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga.
43 Pagkatapos ng pagtitipon, maraming Judio at mga taong lumipat sa relihiyon ng mga Judio ang sumunod kina Pablo at Bernabe. Pinangaralan sila nina Pablo at Bernabe at pinayuhan na ipagpatuloy ang kanilang pagtitiwala sa biyaya ng Dios.
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng naninirahan sa Antioc ay nagtipon sa sambahan ng mga Judio para makinig sa salita ng Panginoon.
45 Nang makita ng mga pinuno ng mga Judio na maraming tao ang dumalo, nainggit sila. Sinalungat nila si Pablo at pinagsalitaan nang hindi maganda.
46 Pero buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe, “Dapat sanaʼy sa inyo munang mga Judio ipapangaral ang salita ng Dios. Ngunit dahil tinanggihan ninyo ito, nangangahulugan lang na hindi kayo karapat-dapat bigyan ng buhay na walang hanggan. Kaya mula ngayon, sa mga hindi Judio na kami mangangaral ng Magandang Balita.
47 Sapagkat ito ang utos ng Panginoon sa amin:‘Ginawa kitang ilaw sa mga hindi Judio, upang sa pamamagitan mo ang kaligtasan ay makarating sa buong mundo.’ ”
48 Nang marinig iyon ng mga hindi Judio, natuwa sila at kanilang sinabi, “Kahanga-hanga ang salita ng Panginoon.” At ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay naging mananampalataya.