17 Pagkatapos, hinuli ng mga Griego si Sostenes na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ginulpi nila roon mismo sa labas ng korte, pero hindi ito pinansin ni Galio.
18 Nanatili pa si Pablo nang ilang araw sa Corinto. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at pumunta sa Cencrea kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Nagpagupit siya roon ng buhok dahil natupad na niya ang isa niyang panata sa Dios. Mula sa Cencrea bumiyahe sila papuntang Syria.
19-21 Dumaan sila sa Efeso at pumasok si Pablo sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila. Kinausap nila si Pablo na manatili muna roon sa kanila, pero ayaw ni Pablo. Bago siya umalis, sinabi niya sa kanila, “Kung loloobin ng Dios, babalik ako rito.” Iniwan ni Pablo ang mag-asawang Priscila at Aquila sa Efeso at bumiyahe siya papuntang Syria.
22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at dinalaw ang iglesya, at saka tumuloy sa Antioc.
23 Hindi siya nagtagal doon, umalis siya at inikot niya ang mga lugar na sakop ng Galacia at Frigia at pinalakas niya ang pananampalataya ng mga tagasunod ni Jesus doon.
24 Samantala, dumating sa Efeso ang isang Judiong taga-Alexandria. Ang kanyang pangalan ay Apolos. Mahusay siyang magsalita at maraming nalalaman sa Kasulatan.
25 Naturuan na siya tungkol sa pamamaraan ng Panginoon. Masipag siyang mangaral at tama ang kanyang itinuturo tungkol kay Jesus. Pero ang bautismong alam niya ay ang bautismo lang na itinuro ni Juan.