2 Nakilala niya roon si Aquila na isang Judio na taga-Pontus, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italia, dahil may utos si Emperador Claudius na ang lahat ng Judio ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay.
3 Pareho silang manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila.
4 Tuwing Araw ng Pamamahinga pumupunta si Pablo sa sambahan ng mga Judio para makipagdiskusyon, dahil gusto niyang sumampalataya ang mga Judio at mga Griego kay Cristo.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, ginamit ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral ng salita ng Dios. Pinatunayan niya sa mga Judio na si Jesus ang Cristo.
6 Pero kinontra nila si Pablo at pinagsabihan ng masama. Kaya ipinagpag ni Pablo ang alikabok sa kanyang damit bilang babala laban sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung parurusahan kayo ng Dios. Wala na akong pananagutan sa inyo. Simula ngayon, sa mga hindi Judio na ako mangangaral.”
7 Kaya iniwan niya ang mga Judio at doon siya nakituloy sa bahay ni Titius Justus. Ang taong ito ay hindi Judio, pero sumasamba sa Dios. Ang bahay niya ay nasa tabi mismo ng sambahan ng mga Judio.
8 Si Crispus na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoong Jesus; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.