7 Kaya iniwan niya ang mga Judio at doon siya nakituloy sa bahay ni Titius Justus. Ang taong ito ay hindi Judio, pero sumasamba sa Dios. Ang bahay niya ay nasa tabi mismo ng sambahan ng mga Judio.
8 Si Crispus na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoong Jesus; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, nagpakita ang Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain at sinabi, “Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil,
10 dahil kasama mo ako. Marami akong tagasunod sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo.”
11 Kaya nanatili si Pablo sa Corinto sa loob ng isaʼt kalahating taon, at itinuro niya sa mga tao ang salita ng Dios.
12 Pero nang si Galio na ang gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio laban kay Pablo. Hinuli nila siya at dinala kay Galio para akusahan.
13 Sinabi nila, “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Dios sa paraan na labag sa ating kautusan.”