10 Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.
11 Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Pablo.
12 Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga may sakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamang espiritu.
13 May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!”
14 Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari.
15 Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?”
16 At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan.