28 Nang marinig ito ng mga tao, galit na galit sila at nagsigawan, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!”
29 At ang kaguluhan ay kumalat sa buong lungsod. Hinuli nila ang mga kasama ni Pablo na sina Gaius at Aristarcus na mga taga-Macedonia. Pagkatapos, sama-sama silang nagtakbuhan sa lugar na pinagtitipunan ng mga tao habang kinakaladkad nila ang dalawa.
30 Nais sana ni Pablo na magsalita sa mga tao, pero pinigilan siya ng mga tagasunod ni Jesus.
31 Maging ang ilang mga opisyal ng lalawigan ng Asia na mga kaibigan ni Pablo ay nagpasabi na huwag siyang pumunta sa pinagtitipunan ng mga tao.
32 Lalo pang nagkagulo ang mga tao. Ibaʼt iba ang kanilang mga isinisigaw, dahil hindi alam ng karamihan kung bakit sila naroon.
33 May isang tao roon na ang pangalan ay Alexander. Itinulak siya ng mga Judio sa unahan para magpaliwanag na silang mga Judio ay walang kinalaman sa mga ginagawa nina Pablo. Sinenyasan niya ang mga tao na tumahimik.
34 Nang malaman ng mga tao na isa siyang Judio, sumigaw silang lahat, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” Dalawang oras nilang isinisigaw ang ganoon.