14 Doon may nakita kaming mga kapatid sa Panginoon. Hiniling nila sa amin na manatili roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma.
15 Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apius at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Dios at lumakas ang kanyang loob.
16 Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya.
17 Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio sa Roma. Nang nagkakatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na wala akong nagawang kasalanan laban sa ating bayan o sa mga kaugaliang mula sa ating mga ninuno, dinakip nila ako sa Jerusalem at inakusahan sa gobyerno ng Roma.
18 Nilitis ako ng mga Romanong opisyal, at nang malaman nila na wala akong nagawang masama para hatulan ng kamatayan, palalayain na sana nila ako.
19 Pero tinutulan ng mga Judio, kaya napilitan akong lumapit sa Emperador, kahit wala akong paratang laban sa aking mga kababayan.
20 Ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makita kayo, para makapagsalita ako sa inyo, dahil nakakadena ako ngayon dahil naniniwala ako sa inaasahan ng mga Judio.”