5 Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano.
6 Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!”
7 Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw.
8 Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito.
9 Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila.
10 Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay.
11 Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios.