1 May mag-asawang nagbenta rin ng kanilang lupa. Ang pangalan ng lalaki ay Ananias, at ang babae naman ay Safira.
2 Pero binawasan ni Ananias ang pinagbilhan ng kanilang lupa. At pumayag naman ang kanyang asawa. Pagkatapos, ibinigay niya ang natirang pera sa mga apostol, at sinabi niyang iyon ang buong halaga ng lupa.
3 Agad namang nagtanong si Pedro, “Ananias, bakit ka nagpalinlang kay Satanas? Nagsisinungaling ka sa Banal na Espiritu dahil binawasan mo ang pinagbilhan ng lupa ninyo.
4 Hindi baʼt ikaw ang may-ari ng lupang iyon bago mo ibinenta? At nang maibenta na, hindi baʼt nasa sa iyo ang pagpapasya kung ano ang gagawin mo sa pera? Bakit mo pa nagawa ang ganito? Nagsinungaling ka hindi lang sa tao kundi lalung-lalo na sa Dios.”
5-6 Pagkarinig noon ni Ananias, natumba siya at namatay. Agad naman siyang nilapitan ng mga binata at binalot ang kanyang bangkay. Pagkatapos, dinala nila siya palabas at inilibing. At ang lahat ng nakarinig sa pangyayaring iyon ay lubhang natakot.
7 Pagkaraan ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa ni Ananias. Wala siyang kamalay-malay sa nangyari sa kanyang asawa.
8 Tinanong siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin ang totoo, ito lang ba ang pinagbilhan ng inyong lupa?” Sumagot si Safira, “Oo, iyan nga ang buong halaga.”