46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya.
47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.
48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan?
50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”
51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno.
52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya.