25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.
26 May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.)
27 Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.)
28 Nakasakay siya sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias.
29 Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.”
30 Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa.
31 Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya.