Bilang 12 ASND

Ang Reklamo nila Miriam at Aaron

1 Ngayon, siniraan nila Miriam at Aaron si Moises dahil nakapag-asawa siya ng isang taga-Cush.

2 Sinabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nakikipag-usap ang Panginoon? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Pero narinig ito ng Panginoon.

3 (Mapagpakumbaba si Moises higit sa lahat ng mga tao sa mundo.)

4 Kaya nakipag-usap agad ang Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo at pumunta sa Toldang Tipanan.” Kaya pumunta silang tatlo sa Tolda.

5 Pagkatapos, bumaba ang Panginoon sa pamamagitan ng ulap na parang haligi at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan, at tinawag sina Aaron at Miriam. Paglapit ng dalawa,

6 sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ito: Kung may propeta ako na nasa inyo, nakikipag-usap ako sa kanya sa pamamagitan ng pangitain at panaginip.

7 Pero hindi ako ganoon makipag-usap ako sa aking lingkod na si Moises na mapagkakatiwalaang pinuno ng aking mga mamamayan.

8 Kung makikipag-usap ako sa kanya, parang magkaharap lang kami dahil ang aking sinasabi sa kanya ay malinaw talaga. Parang nakikita niya ako. Kaya bakit hindi kayo natakot magsalita ng masama laban sa aking lingkod na si Moises?”

9 Nagalit ang Panginoon sa kanila, at umalis siya.

10 Nang umalis na ang ulap sa ibabaw ng Tolda, tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat, at namuti ang kanyang balat. Pagkakita ni Aaron sa kanya,

11 sinabi ni Aaron kay Moises, “Pakiusap kapatid ko, huwag po ninyo kaming pahirapan dahil sa aming kasalanang nagawa namin nang may kahangalan.

12 Huwag ninyong hayaang maging tulad si Miriam ng isang batang patay nang ipinanganak at bulok ang kalahating katawan.”

13 Kaya nagmakaawa si Moises sa Panginoon, “O Dios ko, nakikiusap po ako sa inyo na pagalingin ninyo si Miriam.”

14 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Hindi baʼt kapag dinuraan siya ng kanyang ama sa mukha para pasamain siya ay pagdurusahan niya ang kahihiyan sa loob ng pitong araw? Kaya palabasin siya sa kampo sa loob ng pitong araw, pagkatapos ng pitong araw, maaari na siyang makabalik.”

15 Kaya pinalabas si Miriam sa kampo sa loob ng pitong araw. Hindi nagpatuloy ang mga tao sa paglalakbay hanggang sa makabalik si Miriam sa kampo.

16 Pagkatapos noon, umalis sila sa Hazerot, at nagkampo sa disyerto ng Paran.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36