1 Ito ang mga lugar na dinaanan ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto na nakagrupo ang bawat lahi sa ilalim ng pangunguna nina Moises at Aaron.
2 Ayon sa utos ng Panginoon, inilista ni Moises ang kanilang dinaanan na mga lugar mula sa kanilang pinanggalingan.
3 Umalis sila sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Umalis silang may lakas ng loob, habang nakatingin ang mga Egipcio
4 na naglilibing ng lahat ng panganay nilang lalaki na pinatay ng Panginoon dahil hinatulan sila ng Panginoon sa kanilang pagsamba sa mga dios-diosan nila.
5 Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot.
6 Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, na tabi ng disyerto.
7 Mula sa Etam, nagbalik sila papunta sa Pi Harirot na nasa silangan ng Baal Zefon, at nagkampo malapit sa Migdol.
8 Mula sa Pi Harirot, tumawid sila sa dagat at pumunta sa disyerto. Naglakbay sila sa loob ng tatlong araw sa disyerto ng Etam at nagkampo sila sa Mara.
9 Mula sa Mara, nagkampo sila sa Elim, kung saan may 12 bukal at 70 puno ng palma.
10 Mula sa Elim nagkampo sila sa tabi ng Dagat na Pula.
11 Mula sa Dagat na Pula nagkampo sila sa ilang ng Sin.
12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofka.
13 Mula sa Dofka, nagkampo sila sa Alus.
14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, kung saan walang tubig na naiinom ang mga tao.
15 Mula sa Refidim, nagkampo sila sa disyerto ng Sinai.
16-36 Ito pa ang mga lugar na kanilang pinagkampuhan nang naglalakbay sila mula sa disyerto ng Sinai papunta sa Kadesh, sa ilang ng Zin: Kibrot Hataava, Hazerot, Ritma, Rimon Perez, Libna, Risa, Kehelata, Bundok ng Shefer, Harada, Makelot, Tahat, Tera, Mitca, Hasmona, Moserot, Bene Jaakan, Hor Hagidgad, Jotbata, Abrona, Ezion Geber at hanggang sa makarating sila sa Kadesh sa ilang ng Zin.
37 Mula sa Kadesh, nagkampo sila sa Bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom.
38-39 Sa utos ng Panginoon, umakyat si Aaron sa Bundok ng Hor at doon siya namatay sa edad na 123 taon. Nangyari ito noong unang araw ng ikalimang buwan, nang ika-40 taon mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto.
40 Ngayon, ang hari ng Canaan na si Arad na naninirahan sa Negev ay nakabalita na paparating ang mga mamamayan ng Israel.
41-48 Mula naman sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita sa kanilang paglalakbay. Ito ang mga lugar na kanilang pinagkampuhan: Zalmona, Punon, Obot, Iye Abarim, na nasa hangganan ng Moab, Dibon Gad, Almon Diblataim, sa mga bundok ng Abarim na malapit sa Nebo, at hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.
49 Nagkampo sila roon sa tabi ng Jordan mula sa Bet Jeshimot hanggang sa Abel Shitim na sakop pa rin ng kapatagan ng Moab.
50 At habang nagkakampo sila roon sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico, sinabi ng Panginoon kay Moises,
51 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung tatawid sila sa Ilog ng Jordan papunta sa Canaan,
52 palayasin nila ang lahat ng naninirahan doon at gibain ang lahat ng dios-diosan nila na gawa sa mga bato at metal, at ang lahat ng kanilang sambahan sa matataas na lugar.
53 Sasakupin ninyo ang mga lupaing iyon at doon kayo titira dahil ibinibigay ko ito sa inyo.
54 Partihin ninyo ang lupa sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa dami ng bawat lahi. Ang lahi na may maraming bilang ay partihan ninyo ng malaki, at ang lahi na may kakaunting bilang ay partihan ninyo ng maliit. Kung ano ang mabunot nila, iyon na ang kanilang parte. Sa pamamagitan nito, mahahati ang lupa sa bawat lahi.
55 “Pero kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan doon, ang mga matitira sa kanilaʼy magiging parang puwing sa inyong mga mata at tinik sa inyong mga tagiliran. Magbibigay sila ng kaguluhan sa inyong paninirahan doon.
56 At gagawin ko sa inyo ang parusa na dapat para sa kanila.”