1 Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kailangan silang maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy sa nakatakdang panahon. Ang mga handog na ito ay ang pagkain ko, at ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa akin. Kaya sabihin mo ito sa mga Israelita:
3 ‘Ito ang mga handog sa pamamagitan ng apoy na inyong iaalay sa Panginoon araw-araw: dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan.
4 Ang isang handog ay sa umaga at isa sa hapon,
5 kasama ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis ng olibo.
6 Ito ang pang-araw-araw na handog na inyong susunugin na iniutos noon ng Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
7 Ang handog na inumin na isasama sa bawat tupa ay isang litrong alak at ibubuhos ito sa banal na lugar para sa Panginoon.
8 Ito rin ang gagawin ninyo sa ikalawang tupa na ihahandog ninyo sa hapon. Samahan din ninyo ito ng isang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
9 “ ‘Sa araw ng Pamamahinga, maghandog kayo ng dalawang tupa na isang taong gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na inumin at ang handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis.
10 Ito ang handog na sinusunog tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod pa sa pang-araw-araw na handog kasama ang handog na inumin.
11 “ ‘Sa bawat unang araw ng buwan, maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon. Ang inyong handog ay dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito.
12 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, bawat isang lalaking tupa ay sasamahan din ng handog na may mga apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon.
13 At ang batang lalaking tupa ay sasamahan ng handog na dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon. Itoʼy mga handog na sinusunog, ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa Panginoon.
14 Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. At ang bawat batang tupa ay sasamahan ng mga isang litrong alak. Ito ang buwanang handog na sinusunog na inyong gagawin sa bawat simula ng buwan sa buong taon.
15 Maghandog pa kayo sa Panginoon ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Gawin ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa mga handog na inumin.’
16 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ika-14 na araw ng unang buwan.
17 Bukas magsisimula ang pitong araw na pista. At sa loob ng pitong araw, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa.
18 Sa unang araw ng pista, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon.
19 Maghandog kayo sa Panginoon ng handog na sinusunog na dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito.
20 At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa
21 at dalawang kilo sa bawat batang tupa.
22 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para mapatawad ang inyong mga kasalanan.
23 Ialay ninyo ang mga handog na ito bukod pa sa inyong pang-araw-araw na handog na sinusunog tuwing umaga.
24 Sa ganitong paraan ninyo ialay itong mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang pagkain para sa Panginoon. Gawin ninyo ito bawat araw sa loob ng pitong araw. Ang mabangong samyo ng mga handog na ito ay makalulugod sa Panginoon. Ihandog ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa handog na inumin.
25 Sa ikapitong araw, muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon. At huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
26 “Sa unang araw ng Pista ng Pag-aani, sa panahon na maghahandog kayo sa Panginoon ng bagong ani ng trigo, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo bilang pagsamba sa Panginoon.
27 Maghandog kayo ng handog na sinusunog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon.
28 At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa
29 at dalawang kilo sa bawat batang tupa.
30 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.
31 Ihandog ninyo ito kasama ang mga handog na inumin bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at ng handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Siguraduhin ninyo na ang mga hayop na ito ay walang kapintasan.